Kanina ay napadpad ako sa wall ng isang kaibigan at nabasa ang status update nya. Ayon sa kanya, love is a choice daw. Syempre di ako pumayag at nagpatalo kaya ayun nagkaron kami ng mahabang argumento at diskusyon tungkol sa pag-ibig. Hindi ako naniniwala na pag umibig ka eh desisyon mo yun. Kasi kung ganun, desisyon mo din na ma-fall out of love sa isang tao. Kung ganun, pwede mong ibigin ang kahit na sinong tao at nilalang na nabubuhay dito sa mundo. Pag nabigo ka, kinabukasan lang ayus ka na kasi pwede mong gawing desisyon na ibigin naman ang anak ng kapit-bahay nyo o ang anak ng tinder ng pishbol. Pero hindi ganun ang love. Masyadong misteryo ang pag-ibig.
Kadalasang nangyayari yan. Habang bata pa tayo, meron tayong listahan ng mga karakter, ugali, itsura, at kriterya ng taong magiging boypren o gelpren natin. Kelangan 5’10 ang height. Mabango. Malinis. Matalino. Mabait. Matangkad. Mayaman. Gwapo. Maginoo. Kelangan may dimples, o matangos ang ilong at mahaba ang pilikmata. Dapat sexy at pinong kumilos. Kelangan chinito o chinita. Masyadong mahaba ang listahan at iba ibang posibilidad ang naroroon sa ideal boypren o gelpren ng isang tao. Pero pambihira! Pagdating ng taong magugustuhan mo, sa dinami dami ng kriteryang isinapuso at isina-isip mo ng ilang taon eh ni isa walang tumama! Hindi sya matangkad, may ispasyo ang dalawang ngipin nya sa harap, ang lakas nyang kumain at dumighay kahit na sa harap ng publiko. Mabaho ang utot nya at bobo sya sa math at mali-mali ang grammar. Pero kahit na ganun gusto mo pa din sya. Nakakainis!
Pag-ibig at desisyon. Phew ambibigat ng mga kataga na yan pero sobrang ramdam ko. Naniniwala ako na pag umibig ka (whoa mga d’re! PAG-IBIG! Ang bigat!) eh umiibig ka lang. Walang dahilan kung bakit, wala kang pinag-isipan, wala kang pinagdesisyunan. Puso mo ang pumili at wala ka ng magagawa para baguhin yun kahit na ilang memoplus gold pa ang tirahin at papakin mo magdamagan.
Pero ayon sa kaibigan ko, hindi sapat ang pag-ibig lang. Kelangan may desisyon, kelangan may gagawin ka dahil ang pag-ibig ay mananatiling isang ilusyon kung wala kang gagawin. Kunsabagay, may punto nga si loko. Hindi naman sapat na nararamdaman mo lang. Hindi sapat ang mahal lang kita (syet ako ba talaga to? Hahaha!) kung wala ka namang gagawin para ipaglaban ang pag ibig na nararamdaman mo (whoa! Di ko na kaya to! Hahahaha!) parang pakikinig lang sa musika habang naka-headset. Kung hindi ka mapapaindak, kung hindi ka maghe-headbang, kung hindi ka mapapa-awit o mapapasipol ay hindi ka natangay ng musika. Katulad sa pag-ibig.
Teka, ano nga ba ang pag-ibig. Sa totoo lang hindi ko talaga maipaliwanag yang lintik na pag-ibig na yan pero nararamdaman ko sya at nauunawaan ko. Iba’t ibang uri yan; merong pag-ibig sa magulang, sa kapwa, sa aso’t pusa, pag-ibig sa trabaho, pag-ibig sa musika, sa pagtugtog at pagkanta, pag-ibig sa Kanya. Hindi pag kinikilig ka na, o napapa-blush ka ng isang tao, o lagi kang tine-text araw araw at tinatawagan at hinaharana habang nagkakahulan ang mga aso ng kapit-bahay, eh pag ibig na yon! Minsan kasi, pag napadama sayo na espesyal ka, pwede na yan, gora na! Tara tayo na! Pero mali. Minsan dahil maling tao ang isinalpak sa puso kaya nasasaktan. Minsan naman sa simula lang sweet o mabait tas hindi na kalaunan. Minsan siguro hindi tayo naghihintay. Tas nun, pag nasaktan, try ulit ng bago. Bagong kilig, bagong tao, bagong laro ng puso. Parang laro lang sa time zone na pinasakan ng token at sinubukang master-in ng paulit-ulit. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Unli?!
Wag nating kalimutan na merong Nilalang na gumagabay sa bawat detalye ng buhay natin. Yung Nilalang na naglagay ng hininga sa baga ko at sa baga mo, ang naglilok sa anyo ko at sa anyo ng bawat tao. Kasama tayo sa plano Nya. Planado Nya bago pa man tayo mabubuhay kung ano ang magiging itsura natin. Gaya ko, planado Nya na maging 5’2 ako, may brown na mata, mahilig sa musika, maingay, astig pero iyakin, at may sungki sa ngipin. Planado Nya na makilala ko ang mga taong nakilala ko at maging ang mga makikilala ko pa. Bilang Nya ultimo ang dami ng buhok ko sa ulo! Sabi ko nalang tuloy, “God is writing my love story!”.
Kaya nais ko pagdating ng taong nilaan Nya para sakin, karapat-dapat ako. Parang “Saving all my love for you” lang ang drama, hahaha! Pero alam ko darating sya, kundi ngayon, siguro bukas o bukas makalawa. Pero lahat tayo ay may nakalaang tao dyan sa mundo. At pag nakita natin yung tamang tao, masasabi natin na buong puso eh maipagkakatiwala natin dun sa taong yun. Kahit pa hindi sya 5’10, o walang dimples, o kulang ang ngipin sa taas at baba. LOL!
At dahil dyan, nainspire akong sumulat ng kanta! Pero saka ko na sya ipo-post kasi tinatamad ako at papasok pa ako sa trabaho. Oh ikaw? Bakit ka pa nagbabasa nitong blog ko? Tambay ka dito ah! Dun ka, gawin mo mga dapat mong gawin. Anung malay mo, makabangga mo ngayong araw na to ang taong para sa’yo. ; ))